Lumakas at isa nang ganap na tropical storm ang binabantayang bagyo na namataan sa silangang bahagi ng Eastern Visayas sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes ng umaga, Hulyo 28.
Sa tala ng PAGASA kaninag 5:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyo na may international name na “Khanun” 1,315 kilometro ang layo sa silangan ng Easter Visayas sa labas ng PAR.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kimikilos ito pa-West Southwestward sa bilis na 15 kilometers per hour.
Inaasahan umanong papasok ng PAR ang nasabing tropical storm pagsapit ng Sabado ng gabi, Hulyo 29, o Linggo ng madaling araw, Hulyo 30, at tatawaging bagyong “Falcon.”
Ayon pa sa PAGASA, patuloy na lalakas ang bagyo sa mga susunod pang araw at posibleng aabot sa “typhoon” category sa pagsapit ng Sabado o Linggo.
“The hoisting of wind signal over any portion of the country due to this tropical cyclone is unlikely,” saad din naman ng PAGASA.
Samantala, habang binabaybay umano ng bagyo ang hilagang bahagi ng PAR, posible nitong palakasin ang southwest monsoon o habagat na magdudulot ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas sa mga susunod na araw.