Nanawagan ang isa sa 40 survivors sa tumaob na bangka sa Laguna de Bay, Binangonan, Rizal nitong Hulyo 27 na ikinasawi ng 26 pasahero, sa Philippine Coast Guard (PCG) na higpitan ang pagbabantay sa mga pantalan upang hindi na maulit ang insidente.
Sa pahayag ni Marr delos Reyes, 25, empleyado ng Philippine Statistics Authority (PSA), patungo na sana ito sa Talim Island upang kapanayamin ang mga fishpond owner bilang bahagi ng trabaho nito, nang maganap ang insidente.
Aniya, kasama nitong nakasakay sa MBCA Princess Aya ang 60 pang pasahero mula sa Barangay Kalinawan Port Binangonan nitong Huwebes ng hapon.
Bigla na lamang aniyang sumalubong sa kanila ang malakas na hangin at malalaking alon na naging dahilan ng pag-panic ng mga pasahero hanggang sa tumaob ang bangka.
Aniya, dahil hindi siya marunong lumangoy ay kumapit na lamang siya sa nakalutang na bahagi ng bangka hanggang sa dumating ang grupo ng mga rescuer.
Dahil sa bilis ng pangyayari, hindi na nakaligtas ng 26 na pasahero.
Idinagdag pa ni delos Reyes na pupuntahan sana niya ang mga fishpond owner sa isla upang kapanayamin bilang bahagi ng trabaho nito sa ahensya.
Wala rin aniyang nakabantay na mga tauhan ng PCG sa pantalan ng Binangonan kaya nakabiyahe ang bangka kahit overloaded ito.