Binawian ng buhay ang isang backrider habang sugatan naman ang isang motorcycle rider nang magkabanggaan ang sinasakyan nilang motorsiklo at jeepney sa may paakyat na bahagi ng kalsada sa Antipolo City nitong Miyerkules.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Antipolo City District Hospital ang biktimang si Kirby Corpin ngunit binawian din ng buhay dahil sa mga pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Eleksyon

Maja Salvador kay Tito Sotto: 'Senador na maaasahan'

Sugatan naman ang nagmamaneho ng motorsiklo na si Joemarie Sola at ginagamot pa rin sa ospital.

Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng jeepney na mabilis na tumakas matapos ang aksidente.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-3:45 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Olalia Road, Brgy. Dela Paz, Antipolo City.

Nauna rito, sakay ang mga biktima ng isang itim na Yamaha NMAX na minamaneho ni Sola at binabaybay ang paakyat na bahagi ng Olalia Road patungong Sumulong Highway nang makasalubong at makabanggaan nito ang jeepney na minamaneho ng suspek.

Dahil sa tindi ng impact ng banggaan, tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo at nagtamo ng pinsala sa ulo at katawan.

Mabilis namang naisugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit binawian ng buhay si Corpin.

Tumakas ang driver ng jeepney at inabandona ang minanehong dilaw na jeepney na may plakang DKF-473 at malaunan ay nadiskubreng nakarehistro sa pangalan ng isang Christina Salazar.

Siya ay pinaghahanap na ng mga otoridad at inaasahang mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at physical injury sa piskalya.