Target ng pamunuan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na makumpleto ang Phase 1 ng Cavite Extension Project ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa unang bahagi ng taong 2024.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, iniulat ng LRMC na hanggang nitong unang bahagi ng taong 2023, nasa 88% na ang overall progress rate ng unang bahagi ng proyekto.
Ito’y dahil kumpleto na anila ang design works, halos patapos na ang procurement processes, habang tuluy-tuloy rin naman ang construction works, gayundin ang testing at commissioning nito.
Samantala, ang konstruksiyon ng unang limang istasyon ng proyekto ay iba’t ibang antas na rin umano ng progreso.
Anang LRMC, ang Redemptorist Station, na magiging kasunod na istasyon mula sa kasalukuyang Baclaran Station southbound, ay nasa 59.8% completion na habang ang MIA Station, na pinakamalapit sa airport ay mayroon namang 66.8% completion rate.
Nabatid naman na ang PITX Asia World Station, na nasa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ay mayroon namang 54.6% completion rate habang ang Ninoy Aquino Station ay nakapagtala ng 59.3% completion rate.
Ang Dr. Santos Station naman, na siyang huling istasyon ng Phase 1 ng proyekto, ay nasa 71.1% completion rate na.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ang LRMC ng kumpiyansa na maaabot nila ang proyekto sa first quarter ng susunod na taon.
“We give credit to the hardworking men and women of LRMC and our contractors who are tirelessly working on the ground for this milestone of LRT1 Cavite Extension Phase 1 project. This is a testament that we at LRMC remain highly attuned to our common goal of upgrading the commuter experience, especially in the southern part of Metro Manila with Phase 1 traversing the cities of Pasay and Parañaque,” ani LRMC president and CEO Juan Alfonso, sa isang pahayag.
Ang LRMC ang siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1 na sa kasalukuyan ay nag-uugnay sa Roosevelt Station sa Quezon City at Baclaran Station sa Parañaque City.