Nagpahayag nang labis na pasasalamat si Manila Mayor Honey Lacuna kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. dahil sa pagkakaloob sa lungsod ng isang bago, moderno at high-tech na fire truck.

Kasabay nito, pinasalamatan rin ni Lacuna si Manila Third District Congressman Joel Chua na siyang nag-initiate ng effort upang mabigyan ng naturang donasyon ang lungsod.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ayon pa kay Lacuna, ang naturang fire truck ay ipagkakaloob niya sa San Nicolas Fire Station.

“Ito po ay sa pakikipag-ugnayan ng atin pong napakasipag na Congressman Joel Chua na nakipag-usap po kay DILG Usec. Juan Victor Llamas and of course kay Sec. Benhur, maraming salamat po, napakalaking tulong," pahayag pa ni Lacuna.

Nabatid na mismong si Lacuna naman ang tumanggap ng fire truck mula sa DILG, kasama si Bureau of Fire Protection-Manila head SSupt. Christine Cula.

Hinikayat din ng alkalde ang iba pang mambabatas sa lungsod na gayahin si Chua at gawin din ito para sa kani-kanilang distrito.

Ani Lacuna, ang naturang 1,000 gallon tank fire truck na donasyon ng DILG ay kumpleto rin ng kinakailangang firefighting equipment at gears.