Nagpahayag ng pag-asa ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) na mas palalawakin pa ng mga lider ng bayan ang pagninilay sa kanilang pamamahala sa bayan.

Ayon kay Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, na siya ring chairman ng CBCP Office on Stewardship, mahalagang magkaroon ng discernment ang mga opisyal ng lipunan upang maiwasan ang anumang katiwalian.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagpahayag din ng pangamba ang obispo sa ipinasang Maharlika Investment Fund na aniya’y maaaring maging ugat ng katiwalian.

"Makikita natin ito sa kaso ng Maharlika Fund. Inaprubahan ba ito upang makatulong sa kaunlaran ng bayan o para may makuha na pondo ang mga namumuno na hindi dumadaan sa checks and balances ng pamahalaan? Baka ang Maharlika Fund ay maging gatasan naman ng mga opisyales," bahagi ng mensahe ni Bp. Pabillo, sa church-run Radio Veritas.

Iginiit pa ng obispo na makapagninilay lamang ang mga opisyal ng bayan kung makatotohanan ang kanilang hangarin para sa ikauunlad ng nasasakupang mamamayan.

Nanawagan din naman sa pamahalaan si Bp. Pabillo na tutukan ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Hindi rin kumbinsido ang CBCP official sa ipinagmalaki ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ikalawang State of the Nation Address ang naranasang pag-unlad sa sektor ng agrikultura.

Iginiit ni Bp. Pabillo ang kakulangan ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda.

Ayon sa Obispo, hindi puro pangako kundi konkretong programa ang kailangan ng mga magsasaka at mangingisda upang maibsan ang nararanasang kahirapan.

"Kaya hindi lang sana mga pangako ay dapat tupadin, ano ba ang mga concrete steps kasi kami dito sa Palawan na agricultural wala naman kaming masyadong nakikitang mga programa na makatulong sa mga poor farmers,” aniya pa.

Iminungkahi naman ng Obispo ang pagkakaroon din ng pamahalaan ng mga crop insurance initiatives dahil madalas na nararanasan ng Pilipinas ang magkakasunod na bagyo, upang makabili o mapalitan agad ng mga magsasaka ang mga pananim o produktong nasira ng kalamidad.