Naglunsad na ng search and rescue (SAR) operation ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos tumaob ang isa nilang aluminum boat sakay ang apat na rescuer sa bahagi ng Cagayan River sa Aparri, Cagayan nitong Miyerkules ng hapon.

Hindi na isinapubliko ng PCG ang pagkakakilanlan ng apat na rescuer.

Sa social media post ng Coast Guard, patungo na sana ang apat na rescuer sa nasabing lugar sakay ng aluminum boat upang sagipin ang pitong tripulante ng M/Tug Iroquis na naapektuhan ng paghagupit ng bagyong Egay.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Habang binabaybay ng mga ito ang Cagayan River ay biglang tumaob ang kanilang bangka dahil sa malakas na hangin at malalaking alon.

Nitong Huwebes ng umaga, itinigil muna ng PCG ang paghahanap sa apat na rescuer dahil sa sama ng panahon.

Nangako rin ang PCG na gagamit sila ng helicopter upang makatulong sa paghahanap sa apat nilang tauhan.