Nilinaw ng beteranang aktres na si Elizabeth Oropesa ang ilang mga bagay tungkol sa pinag-usapang video niya kung saan umiiyak siyang naglabas ng hinanakit at panawagan sa isang "Sir."
Bagama't wala namang binanggit o tinukoy na pangalan, naniniwala ang mga netizen na ang tinutukoy niya ay si Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Ani La Oropesa, na-bash daw siya mismo ng mga kapwa niya "loyalista."
https://balita.net.ph/2023/07/26/elizabeth-oropesa-umiyak-sa-socmed-sir-masama-lang-po-ang-loob-ko/?fbclid=IwAR0nu0OMFUJ9UMEq5pMxqFjU-34dSRPDM_vr7iwYqn74ggUnHJE1hAAXrKQ
Nilinaw rin niya sa kaniyang Facebook post na hindi siya umiyak dahil hindi siya nabigyan ng posisyon sa pamahalaan.
"Sad. Kapwa loyalist na sa social media lang nakipaglaban ang tatapang mang-bash. Ang babaw ninyo kung akala ninyo umiyak ako dahil hindi ako nabigyan ng posisyon," ani Elizabeth.
"37yrs po ako lumaban. Never nag-isip na may kapalit. Ang laban po nun harapan. Patay kung patay. Umuuwi kaming duguan. Nagtatago. May dalang baril at granada sa bag. Sawang-sawa sa sardines na halos araw-araw ulam naming nasa kalsada or nakikitira. Umasa lamang ang mga loyalist noon (sa) mga nagdo-donate ng pagkain."
"Dinukot ako. Sinugatan ng blade ang mga paa ko. Marami pang nangyari na hindi ko na kailangan ikwento. May mga kaso at mga utang. Nakatakas ako at tumira sa Ibang bansa. 10 taon hindi makauwi."
"Namatay na ang dalawa Kong kasamang mga kaibigan. Ngayon nyo sabihin sa akin na wala akong karapatang umiyak!! Kilala ko sila at kilala nila ako! Kapatid na panganay lang ang halos hindi na malaman ang gagawing pagtulong sa mga namatay ng mga bago at sa mga may sakit!"
"Konting oras lang ang aming hiling. May oras sya sa Iba. Bakit sa amin wala? Ano ang dahilan?"
"Masama bang umasa na sana makahingi ng photo na may dedication? Masama bang mangarap na maimbitahan katulad ng mga dating umaalipusta sa kanila syang nakapaligid sa kaniya ngayon? Siya ang gusto naming makaharap. Masama ba yun?!! Hayaan nyo na ang hinanakit ko. Sa dami ng pinagdaanan ko, respeto kung totoong loyalist kayo."
"Ang mambastos ay taga-kabilang bakod na gustong-gustong may nag-away. Or... mga bayarang tagapagtanggol," dagdag pa ni Elizabeth.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni PBBM tungkol dito.