Inalmahan ni Senador Robinhood “Robin” Padilla ang mga umano’y pumuna ng kaniyang hand gesture habang umaawit ng “Lupang Hinirang” sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos noong Lunes, Hulyo 24.
Marami umanong nakapansin sa hand gesture ni Padilla habang umaawit ng Lupang Hinirang. Imbis na nakapatong ang kanang palad sa kaliwang dibdib, gaya nang palaging ginagawa, mapapansin na nakaturo ang senador habang nakapatong ang kanang kamay sa kaliwang dibdib.
Ang hand gesture na ito ay tinatawag na "Kalima La ilaha ilalah,” isang hand gesture na nagpapakita umano ng pananampalataya ng isang Muslim.
Sinabi ng senador na palagi niya raw ginagawa ang nasabing hand gesture tuwing kakanta ng Pambansang Awit. Nabatid din niya na mas gugustuhin pa niyang magbitiw sa puwesto kaysa may masabi raw sa kaniya na hindi niya puwede maipakita ang kaniyang pananampalataya.
"I always do the 'Kalima La ilaha ilalah' with my hand here. Why can't you do that? I would rather resign than somebody telling me I cannot (practice) my faith," pahayag ni Padilla matapos mag-viral sa social media.
"I will never, never exchange my faith to be a politician,” dagdag pa niya.
"If I will not be successful in pushing for a federal parliamentary form of government I’d rather be an imam, I’d rather go to Malaysia and study the Koran than be a senator.”