Lubos na hinangaan ng netizens ang mga batang magkakaibigan matapos ipamalas ang kanilang katapatan sa kinainang cafe sa Gitna Timbain Calaca, Batangas.

Kuwento ng uploader na si Mary France, nagulat siya nang bumalik sa kaniya ang ilang batang kumain sa kanilang cafe. 

“Shout out sa mga magulang ng mga batang are. Sobra ang aking napasukli at nagkamali ang calculator. Maya maya bumalik sa cashier at sabi eh, ‘Ate labis ng bente, diba po dalawang burger with egg 80, tapos overload burger etc…’ Kakatuwa lang na kung iisipin puwede namang di na ibalik, pero mas pinili nilang ibalik ,” mababasang caption sa naturang post.

Makikita sa larawang ini-upload sa Facebook page ng cafe, ang mga batang magkakaibigan na tila nagkukuwentuhan pa habang hinihintay ang kanilang binibiling pagkain.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hindi naman maiwasang magbigay-komento ang netizens na talagang humanga sa ipinakitang katapatan ng magkakaibigan.

“Naturuan ng tama ng kanilang magulang. Congratulations, Parents!”

“Pinalaking tama ng mga magulang. Salute sa parents nila.”

“Good job sa mga parents ng mga batang ito!”

“Good job boys.”

“Praise God for these innocent hearts. May they bring value as they grow old. Salute to their parents.”

“Shout out sa mga magulang, tinuruan ng mabuting asal ang mga anak. God bless sa buong pamilya.”

“Respect to the kids!”

“Keep up the good work! Thank you so much. Honest kayo mga bata.”

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mary France Ontangco na kahera at admin ng kanilang Facebook page, hindi man niya tukoy ang pangalan ng mga bata, pero suki na raw sila roon.

“Hindi ko po alam ang name noong mga bata, basta suki na po sila ng Messiah (Pangalan ng cafe),” aniya.

Nasanay na rin daw siyang hindi na bilangin ang binabayad nang mga batang iyon dahil madalas ay sila na raw ang nagkukuwenta ng kanilang ino-order na pagkain.

“Madalas barya bayad nila at sila na nagkukuwenta ng order nila kaya nasanay akong ‘di na binibilang,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa kahera na si Mary, hindi raw niya namalayan noong panahong iyon na mali ang kaniyang nalagay na presyo na kinalauna’y bigla raw may lumapit na isa sa magkakaibigan at inabot sa kaniya ang sobrang sukli.

“First time nila ata magbayad ng buo at ‘di ko napansin na mali ang presyo ko. Noong nakaupo na sila, medyo naririnig ko na nagkukuwenta sila at maya-maya lumapit sa akin ang bata na labis (sobra) daw ang sukli ko sa kanila ng bente. Sobrang natuwa ako kaya ko naisip picturan at i-post dahil napakabihira na lang ng ganoong isosoli ang sukli. Dami ko na po na-encounter na ‘di nagbalik ng sobra,” kuwento ni Mary.

Nagulat at hindi naman daw niya inaasahang magba-viral ang nasabing post sa kanilang naturang page.

“Nagulat po, ‘di ko talaga ini-expect. Natuwa lang po talaga ako kaya po napa-post,” ani Mary.

Samantala, may iniwan namang mensahe si Mary na “‘Small things matter.’ Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay,” huling pahayag ni Mary.

Habang sinusulat ang balitang ito, umabot na sa 53K reacts, 594 comments at mayroon namang bilang na 554 shares ang inabot ng kanilang Facebook post.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!