Patay ang isang lola at vendor nang kapwa malunod sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Egay sa magkahiwalay na insidente sa lalawigan ng Rizal.

Batay sa report ng Cardona Municipal Police Station, dakong alas-7:45 ng gabi ng Hulyo 24 nang malunod ang biktimang si Adelfa Escolano, 71, ng Sitio Ampucao, Brgy. Iglesia, Cardona, Rizal, sanhi ng flashflood sa kanilang lugar.

Metro

Japanese restaurant, pinasok ng riding in tandem; wallet ng customer na may ₱25k, nilimas!

Nabatid na mahimbing nang natutulog ang biktima sa loob ng kanilang tahanan nang biglang magkaroon ng flashfloods sa kanilang lugar dahil sa malalakas na pag-ulan dala ng bagyo.

Sinawimpalad ito nang matangay ng baha patungo sa creek.

Kaagad naman umanong nagsagawa ng rescue operation ang mga barangay officials ngunit hindi kaagad nakita ang biktima.

Ayon sa pulisya, dakong alas-11:00 ng umaga na lamang kamakalawa nang madiskubre ang bangkay nito sa madamong bahagi ng palayan, sa tabi ng creek, sa Brgy. San Roque, Cardona.

Samantala, dakong alas-4:30 naman ng hapon kamakalawa nang malunod ang biktimang si Delisa Largo, ng Brgy. Santiago, Baras, Rizal, habang nangunguha ng kangkong sa Laguna Lake, Kasarinlan Eco Park, Baras.

Ayon kay Benjie Gonzales, live-in partner ng biktima, umalis ng bahay ang biktima upang manguha ng kangkong sa naturang lugar at ipagbili sa palengke.

Nagulat na lamang umano si Gonzales nang puntahan siya ng mga opisyal ng barangay at impormahan na nadiskubre ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa tubig sa naturang lugar.