Bumulaga sa social media ang video ng premyadong aktres na si Elizabeth Oropesa, na tila umiiyak, naglalabas ng sama ng loob, at nananawagan sa isang tinawag na "Sir."

Walang word caption ang uploaded video ng aktres subalit may inilagay siyang crying emoji rito.

Lumuluhang sabi ni La Oro, "Sir, hindi ako sure kung ipo-post ko ito. Masama lang po ang loob ko, hindi ko mapigilan kasi mahal namin kayo."

"Hindi ko lang maintindihan kung bakit... bakit parang ayaw mo sa amin? Bakit parang galit ka sa amin? Yung akin lang po, yung pinagrereportan mo yung mga kasama mo na rin naman ngayon, kami kahit kaunting importansya, kahit kaunting pagpapahalaga, wala..."

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

"Eh nakikita ko naman po yung kung sino-sino ang binibigyan ninyo ng importansya, pagpapahalaga na wala naman noon..."

Hindi na natuloy ni Elizabeth ang ilang mga sasabihin dahil naiyak na siya.

"Pasensya na, ang sakit-sakit sa dibdib. Mahal na mahal namin mga magulang mo, kayo..."

Sana raw, huwag masamain ng tinukoy niyang "Sir" ang kaniyang ginawa.

"Sana huwag mong masamain itong mga sinabi ko. Hindi mo ako kaaway, kakampi mo ako... hindi mo kami kaaway, kakampi mo kami... salamat po sir..."

Bagama't wala siyang tinukoy kung sino si "Sir," batay sa comment section ay naniniwala ang mga netizen na ang pinatutungkulan niya ay si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.

"Masyado kasing mataas ang expectation natin kay sir... kung talagang naniniwala tayo sa kaniya, ibigay po natin ang buong suporta hanggang sa huli. Hindi po perpekto ang kahit sino, mas makikilala ang totoong tao sa oras ng kagipitan at kahinaan. Basta ako solid at buo pa rin TIWALA ko na babangon ang PILIPINAS."

"Nabudol po kayo? LOL."

"Nice acting manay very convincing pang FAMAS award."

"Umintindi naman kayo. Don't act like a spoiled brat. Ano hanap mo position. Pwede kana man mag-serve without a position. Grabe kayo."

"Grabe po yung ibang mag-comment kung hindi po maganda sana ang sasabihin natin huwag na lang po nating sabihin... huwag din po sana tayo agad-agad manghusga, lalong-lalo na sa mga bagay na hindi naman tayo sigurado na may alam tayo. Respeto po sana... we love you Tita Oro."

Samantala, nagkomento naman si La Oro sa isang netizen na nagsabing "pang-FAMAS award" ang naging "aktingan" niya.

"Yun ba ang akala ninyo? Ang baba n'yo naman. Konting respeto na lang po," aniya.

Isa si Elizabeth Oropesa sa mga artistang nagpakita ng suporta sa kandidatura ni Pangulong Marcos, Jr. noong nagdaang halalan.

Sa katunayan, kasama pa siya sa pelikulang "Maid in Malacañang" na nagtampok sa buhay ng pamilya Marcos, ilang araw bago sila mapatalsik mula sa Palasyo noong dekada 70.

Kaugnay nito, sa vlog ni Morly Alinio ay inamin ng isa pang BBM supporter na si Beverly Salviejo na tila may sama ng loob siya sa mga naoobserbahang kaganapan sa politika, at nagpahatid din ng panawagan sa pangulo.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon o pahayag si Pangulong Marcos, Jr. tungkol dito.