Ipinahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) nitong Martes, Hulyo 25, na magkaiba ang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa State of the Nation Address (SONA) sa tunay umanong nararanasan ng mga magsasaka at iba pang sektor hinggil sa presyo ng bilihin sa bansa.

Sa ikalawang SONA ni Marcos nitong Lunes, Hulyo 24, isa sa mga ipinagmalaki niya ay ang pagbaba umano ng bilihin sa iba’t ibang mga sektor sa tulong ng Kadiwa stores.

“Sa mga nakalipas na buwan nakita natin ang pagbaba ng presyo ng bilihin sa iba’t ibang mga sektor. Napatunayan natin na kayang ipababa ang mga presyo ng bigas, karne, isda, gulay, at asukal. Malaking tulong ang Kadiwa store na ating muling binuhay at inilunsad, ” ani Marcos sa kaniyang SONA.

MAKI-BALITA: Marcos, sinabing bumaba ang presyo ng bilihin, nais palawigin ang Kadiwa

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Samantala, iginiit naman ni KMP Chairperson Danilo Ramos na sa totoong buhay, hindi raw bumaba ang presyo ng mga pagkain at bilihin.

"Parang taga ibang planeta si Marcos Jr. sa mga sinabi niyang ito. Patunay lang na hindi talaga alam ni Pangulo at DA Secretary Bongbong Marcos ang tunay na kalagayan ng masa,” aniya.

Iginiit ni Ramos na nasa ₱45 pa rin umano ang pinakamababang presyo ng kada kilo ng bigas, habang nasa ₱110 daw ang kilo ng asukal.

Dagdag pa niya, tumaas umano ang “cost of living” habang maliit o wala raw natatanggap na dagdag-sahod para sa mga manggagawa.

“Walang epekto ang bahagyang pagbaba ng inflation nitong nakaraang buwan. Umabot na tayo sa 14-year-high ang inflation at ₱600 kada kilo ng sibuyas. Nasaan ang sinasabi ni Marcos Jr. na napababa ng Kadiwa ang presyo," giit ni Ramos.

"Kahit sino pa ang tanungin, iisa ang sasabihin nila. Hindi bumaba ang presyo at hindi guminhawa ang kalagayan ng taumbayan. Kabaligtaran ang nangyari, mas marami ang nagsabi na mas nagutom at naghirap sila sa panahon ni Marcos Jr. Kahit ano pang statistics ang ireport ng Pangulo, malayo ito sa katotohanan,” saad pa nito.