Ibinahagi ng Presidential Communications Office (PCO) ang ilang State of the Nation Address (SONA)-themed stickers at GIFs na maaaring i-download sa ilang social media platforms bilang pagsuporta umano sa SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Lunes, Hulyo 24.
Makikita sa ibinahaging larawan ng PCO ang ilang SONA stickers at GIFs tulad ng karikatura ni Marcos kung saan nakangiti siya at nakataas ang isang kamay habang nakalagay naman sa taas ng kaniyang ulo ang mga salitang “Salamat po.”
Kasama naman sa ibinahagi ng PCO ang stickers kung saan makikita ang karikatura ng Pangulo na nagtatalumpati habang nakasulat sa baba ang “SONA 2023,” ang kulay gintong sulat ng “SONA 2023,” ang “Bagong Pilipinas” kasama ang logo nito, ang salitang “Magandang umaga” na may peace sign ni Marcos, at ang mga salitang “ang galing,” “okay,” at “wow.”
“Maaari nang i-download at gamitin ang SONA stickers sa Viber at ang GIFs sa FB at Instagram stories upang ipakita ang inyong suporta sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas,” pahayag ng PCO sa isang Facebook post.
Inilagay rin ng PCO sa naturang post ang link ng Viber stickers at ang GIFs search tags na Bagong Pilipinas, PBBM, at SONA 2023.
Nakatakdang maganap ang SONA ni Marcos mamayang 4:00 ng hapon sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.