Isinuot umano ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang isang traditional Maguindanaon dress sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang parangalan ang tribong Moro ng South Central Mindanao.
Sa isang pahayag nitong Lunes, Hulyo 24, ibinahagi ng Office of the Vice President (OVP) na isinuot ni Duterte ang traditional Maguindanaon dress na Bangala na ipinares sa isang trouser at flowing inaul o malong upang parangalan ang kaniyang "home region."
“Vice President Sara Duterte’s Bangala features gold accessories that symbolize the wealth and abundance of Mindanao’s natural resources,” anang OVP.
Inilarawan din ng opisina ni Duterte ang “inaul” bilang isang Maguindanao fabric na masusing hinabi umano gamit ang bulak at seda.
“It is a treasured cultural gem that profoundly reflects the pride, bravery, heritage, and history of the people of Maguindanao,” saad ng OVP.
Sinabi rin nito na ang outfit ng bise presidente ay ginawa ni Cotabato City-based designer Israel Ellah Ungkakay, na siyang nagtataguyod umano ng kultura at tradisyon ng Moro people sa Mindanao.
Ginanap ang ikalawang SONA ni Marcos sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.