Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang Caviteño ang pinalad na magwagi ng mahigit sa ₱22.8 milyong jackpot ng Regular Lotto 6/42 na binola noong Sabado ng gabi.
Ayon kay PCSO Vice Chairman of the Board at General Manager Melquiades “Mel” Robles, matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang six-digit winning combination na 14-27-19-26-08-38 ng Regular Lotto 6/42 draw, na may katumbas na jackpot prize na ₱22,821,402.20.
Nabili umano ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Dasmariñas, Cavite.
Upang makubra ang kanyang premyo, pinayuhan rin ni Robles ang lucky winner na magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO at iprisinta ang kanyang lucky ticket, kasama ang dalawang balidong IDs.
Nagpaalala rin naman si Robles na sa ilalim ng TRAIN Law, ang lahat ng lotto winnings na lampas sa ₱10,000 ay papatawan ng 20%.
Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa araw ng pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Ang Regular Lotto 6/42 ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Sabado.