Pabor si Manila Mayor Honey Lacuna na buhayin ang sister-city relationship sa pagitan ng lungsod ng Maynila at ng munisipalidad ng Chongqing, China, na itinuturing na pinakamalaking city proper sa buong mundo.
Ang pahayag ay ginawa ni Lacuna matapos na malugod na tanggapin ang delegasyon mula sa Chongqing, kasama si City Administrator Bernie Ang.
Nabatid na ang delegasyon na pinamumunuan ni Madam Lu Hong, standing member ng CPC Chongqing Committee at hepe ng United Front Work Department ng CPC Chongqing Committee, ay nagtungo sa tanggapan ng alkalde sa Manila City Hall upang mag-courtesy call.
Dumalo rin sa naturang okasyon sina Manila Department of Tourism chief Charlie Dungo, Manila Chinatown Development Council (MCDC) executive director Willord Chua, Ambassadress of Goodwill to China ng Maynila na si Chang Lai Fong at Manila-China Cultural Affairs Office (MCCAO) officers Jenny Wang at Owen So.
Sa tulong ng kanyang interpreter, nagpaabot ng lubos na pasasalamat si Madam Lu kay Lacuna dahil sa mainit na pagtanggap sa kanilang delegasyon.
Ipinaabot rin nito ang kanilang interes na ibalik ang ‘friendship ties’ na naitatag noon pang 2011 at napalawak pa sa pagiging ‘sister-city relationship’.
Nagpalitan din sina Lacuna at Madam Lu ng mga impormasyon hinggil sa kalakasan ng kani-kanilang mga lungsod at kung ano ang maaari nilang ialok sa isa’t isa, upang magkaroon pa nang mas malalim at mas matatag na pagkakaibigan ang mga lungsod.
Ipinahayag din ni Madam Lu ang kanyang paghanga kay Lacuna at sa istilo ng liderato nito.
Anang Chinese official, nakaka-relate siya dito dahil dati rin siyang mayor sa kanilang bansa bago siya naitalaga sa kanyang kasalukuyang posisyon.
“Chongqing is very close to the hearts of Manilans..we have been facing the same challenges on urbanization and we want to learn more from you…we are thankful that you are here to visit us because this will open the windows of opportunities for our city. When you go back to your place, please tell them the good news that the city of Manila is a city that recognizes you not only as a partner but as a true friend of our beloved city,” ayon naman kay Lacuna.
Sinabi naman ni Madam Lu na habang ang relasyon sa Maynila ay naitatag noong 2011, hindi ito masyadong nagalugad o napagyaman ng husto, kaya naman nais niyang palakasin ang relasyon ng dalawang lungsod, na malugod namang sinang-ayunan ni Lacuna.
Tiniyak rin ng Manila mayor na ito rin ang nais niyang mangyari.
Nabatid na ang Chongqing ay isa sa apat na munisipalidad na nasa ilalim ng direktang administrasyon ng central government ng People's Republic of China.
Bukod sa Chongqing, ang tatlong iba pa ay ang Beijing, Shanghai, at Tianjin.
Sinasabing kasing laki ito ng Austria at may populasyong aabot sa 30 milyon.