Libo-libong netizens ang natuwa sa Facebook post ng balikbayang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Denise Santos, hinggil sa ibinahagi niyang larawan ng isang lumpiang sariwa na halos sinlaki lang ng kaniyang hintuturong daliri.
“Shout out (Restaurant sa Marikina). Pilit ko siyang kinakalimutan, pero dahil sa bagong size ng lumpiang sariwa niyo, naalala ko na naman siya,” mababasang caption sa kaniyang naturang post.
Makikita sa larawang ini-upload ni Denise, ang isang kasamang lumpiang sariwa sa kaniyang pagkain na tila mala-lumpiang shanghai ang naging size.
Samu’t saring komento naman ng netizens ang mababasa sa comment section.
“Ganyan kaliit tapos ang kapal pa ng wrapper.”
“Grabe ang liit na, ang mahal pa.”
“Parang lumpiang shanghai.”
“Lumpiang sariwa pero sa katawan ng lumpiang shanghai.”
“Okay na yan mataba, mataba naman. Kaya ng dalhin yan hanggang lalamunan. Ay ano ba kasi. Yung lumpiang sariwa nga di ba usapan.”
“Jutaaay kumusta ka na.”
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Denise, nakabakasyon siya umano rito sa Pilipinas noong nangyari iyon.
Ayon pa sa uploader, kagagaling lang daw nila sa clinic at nadaanan nila sa kalapitan ang isang restaurant na pinili nilang kainan sa pananghalian.
“Nakabakasyon po kasi ako this time sa ‘Pinas at kagagaling lang namin sa isang clinic that time. Within the area, nadaanan namin ang (restaurant) and doon namin naisipang maglunch,” aniya.
Noong na-serve na sa kanila ang ini-order na pananghalian, nanibago raw siya nang makita na ang size ng lumpiang sariwa na tila isang subuan lang sa sobrang liit.
“Nanibago ako sa size niya. Dati kasi regular size siya sa meal, tapos ganon, biglang sobrang liit na, halos isang subuan lang ‘yong size,” dagdag pa niya.
Natuwa naman daw siya nang maging viral ang kaniyang post dahil nakapagbigay good vibes siya sa kapwa niyang OFW na pare-parehong kumakayod para sa magandang kinabukasan ng kanilang pamilya sa Pilipinas.
“Natuwa ako kasi nakapagpadala ako ng good vibes sa mga kapwa OFW natin na malamang eh pagod at stress sa mga work nila bilang pare-pareho kami ng karera sa buhay upang mabigyan ng magandang kinabukasan mga pamilya natin sa ‘Pinas,” kuwento ni Denise.
Samantala, may iniwan namang mensahe si Denise at sana raw ay ‘wag masyadong itaas ang expectations para hindi ma-disappoint sa huli.
“Tulad lang din ng inorder kong pagkain na expectation vs reality. ‘Wag natin masyadong itaas ang expectations natin para ‘di tayo masyadong ma-disappoint kung ano man ang dumating,” aniya.
“Learn to adapt and accept whatever comes our way. Change your perspective on how you view things. Kaysa mainis ako kasi sobrang liit ng serving, ginawa ko na lang katatawanan,” huling pahayag ni Denise.
Habang sinusulat ang balitang ito, umabot na sa 63K reacts, 874K comments at mayroon namang bilang na 1.2K shares ang inabot ng kaniyang Facebook post.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!