Nakapanayam ni Morly Alinio ang batikang aktres at singer na si Beverly Salviejo sa kaniyang vlog nitong Hulyo 20, 2023 at nahati pa sa dalawang bahagi.

Isinagawa nila ang panayam sa kusina ng bahay ni Beverly habang nagluluto ng isang putaheng Ilokano. Dito ay mas personal ang mga naging tanong ni Morly kay Beverly, lalo na pagdating sa kaniyang buhay may-asawa at showbiz career.

Sa pangalawang bahagi ng kaniyang panayam ay umikot ang tanungan sa pagiging tagasuporta ni Beverly sa kandidatura ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. noong nagdaang halalan, habang sila ay kumakain na.

Natanong siya ni Morly kung ano ang reaksiyon niya sa mga naglilitawang "disappointment" daw ng mga tao kay PBBM.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ani Beverly, hindi raw niya alam kung saan nanggaling ang kanilang pagkadismaya. Pagdating naman daw kasi sa iba't ibang proyektong naipangako noon ni PBBM ay nagagawa naman daw, lalo na ang mga pabahay, pagbaba ng presyo ng kuryente, at iba pa.

Ngunit hindi naman naiwasan ni Beverly na magbigay ng sariling "disappointment."

"Hindi ko alam kung saan nanggagaling yung sa kanila, pero ang sa akin, ang disappointment ko, ay parang yung napapabayaan yung maraming mga sumuporta..."

"Ako, kasi ang gusto ko talaga, sana matutukan yung culture at arts," paliwanag ni Beverly.

Naniniwala raw si Beverly na sa kultura manggagaling ang values formation. Sa halip daw sana na ang shows na lumalabas ay puro pagbatikos sa pamahalaan at anti-Marcos, sana raw ay matapos na ito.

"Dapat harapin na natin kung papaano natin aayusin ang bansa natin," pagdidiin pa ni Beverly.

Hanggang ngayon daw, may epekto pa rin sa pagkuha sa kanila sa trabaho o proyekto ngayon ang naging pagsuporta nila sa kandidatura ni PBBM noon.

Nakakalungkot daw na ang ilang napo-produce na shows ngayon ay puro anti-government gayong ang mga ito ay pinopondohan ng pamahalaan.

Kaya raw walang kumukuha sa kanilang mga artista na nagpahayag ng suporta sa UniTeam noong nagdaang halalan dahil wala nang may gustong kumuha sa kanila.

"Pagka-anti government, saan kami doon na mga sumuporta? Kami po yung mga nabash, kami po yung mga nadiscriminate, kami yung mga namura, kami yung mga inayawan, ayaw bigyan ng trabaho, na-cancel..."

Sunod na tanong ni Morly ay kung nagsisisi raw ba si Beverly sa ginawa niyang pagsuporta noon kay PBBM.

"Hindi. During that time, siya talaga yung pinakamagandang choice. Wala tayong... ano, gusto ninyo pipili ako ng... dahil lang sa ganito... when it was my time to do my choice, pumili po ako ng nasa utak ko na siyang pinakamahusay for the job. Now, if he will fall short, hindi ako yun, nasa kaniya yun. Siya ang may dala no'n," paliwanag ni Beverly.

Kung makakasalo raw niya sa isang hapag-kainan ang pangulo, makikiusap daw siyang bigyan naman ang mga artist na sumuporta sa kaniya, ng fighting chance.

"Dami namin, 31M kami, bakit ngayon parang hindi kami masyadong importante," anang Beverly.

Mga "Dilawan" daw ang nakikita niyang kasa-kasama ng pangulo sa Palasyo at kung saan-saan.

Kaya pakiusap ni Beverly kay PBBM, sana ay mas bigyang-pokus pa ang kultura at sining upang mas mahulma pa ang values formation ng kabataan at mga mamamayan upang mas mahalin pa ang bansa.

&t=726s