Dinepensahan ni Cristy Fermin si Kapamilya superstar Kathryn Bernardo sa isyung nakitaan daw itong may hawak na vape ng ilang netizens na nasa isang gusali sa Muntinlupa City kung saan naroon naman ang aktres at ilang mga kasama.
Sa radio program na "Cristy Ferminute" noong Huwebes, Hulyo 19, 2023, nilinaw ni Cristy na ang naispatan ng uploader ay dulot lamang ng karakter ni Kathryn sa kaniyang pelikula.
Ang vape ay nauusong "electronic cigarette" sa kasalukuyan.
Nasubaybayan daw ng showbiz columnist ang paglaki ni Kathryn, at kilala niya ito kahit noong bulinggit pa ito, at masasabi niyang hindi nagyoyosi ang aktres.
"Never po, never. Hindi po siya nagsisigarilyo,” anang Cristy.
Bagama't hindi nagyoyosi ay "ocassional drinker" naman daw ang aktres.
“Painom-inom kapag may okasyon. Umiinom naman siya. Pero never ko siya nakita o ninuman na nagyoyosi."
"One time, sa sobrang pag-inom nakalimutan niya ang bag niya kung saan niya inilagay," kuwento ni Cristy sabay tawa.
"Hanap siya nang hanap. Pero yung pagyoyosi? Malayo sa katotohanan."
"Sana nahihiwalay po natin ’yong trabaho sa pagkatao. Role po n’ya ’yon na nagbi-vape s’ya. Gumagamit siya ng vape dahil sa role niya. Hindi po siya nagyoyosi. Never! Naku si Kathryn pa,” pagdidiin pa ni Cristy.
Ang nabanggit na pelikula ay "A Very Good Girl" kung saan makakasama nito si Dolly De Leon.
Bukod kay Cristy, ipinagtanggol din ni Ogie Diaz ang aktres.