“I suppose that puts an end to our dealings with the ICC.”

Ito ang reaksyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. matapos ibasura ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng pamahalaan ng bansa na ihinto ang imbestigasyon sa “war on drugs” ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil sa naturang desisyon ng ICC noong Hulyo 18, maaari na umanong ipagpatuloy ni ICC prosecutor Karim Khan ang kaniyang imbestigasyon hinggil sa “war on drugs” ng dating administrasyon.

MAKI-BALITA: ICC, ibinasura apela ng ‘Pinas na ihinto ang imbestigasyon sa ‘drug war’ ni Duterte

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“That’s it. We have no more appeals pending. We have no more actions being taken. So, I suppose that puts an end to our dealings with the ICC,” ani Marcos sa isang panayam sa Zamboanga Sibugay nitong Biyernes, Hulyo 21, na inulat naman ng Presidential Communications Office.

“So, we continue to defend the sovereignty of the Philippines and continue to question the jurisdiction of the ICC and their investigations here in the Philippines,” dagdag pa niya.

Muli ring binanggit ni Marcos na wala na umanong hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas mula nang magkabisa noong Marso 17, 2019 ang inutos ni Duterte na membership withdrawal ng bansa sa Rome Statute.

Ayon pa sa Pangulo, hindi makikipagtulungan ang pamahalaan sa kahit anong imbestigasyon na isasagawa ng ICC sa bansa, dahil ang pagsisiyasat umano ay dapat gawin ng mga Pilipino.

“They (ICC prosecutors) are talking about Filipinos. Their alleged crimes are here in the Philippines; the victims are Filipino; bakit mapupunta sa The Hague? Kaya’t dito dapat,” saad ni Marcos.

“Basta tapos na lahat ng ating pag-uusap sa ICC. At kagaya ng sinasabi namin mula sa simula, we will not cooperate with them in any way, or form,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa ICC ay natapos na sa “rendition of judgment” ng ICC Appeals Chambers.

Saad ni Guevarra, tututukan ng Pilipinas ang sarili nitong imbestigasyon at pag-uusig sa mga krimen na may kaugnayan umano sa anti-drug campaign ng bansa.