Sinuspindi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at klase sa mga pampublikong paaralan sa Hulyo 24 dahil na rin sa bagyong Egay at 72 oras na transport strike.

“In view of the forecasted inclement weather brought about by Typhoon ‘Egay’ and the scheduled seventy-two (72)-hour transport strike in Metro Manila, work in government offices and classes in public schools at all levels in the National Capital Region are hereby suspended on 24 July 2023,” ayon sa memorandum circular na may petsang Hulyo 21 at pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Gayunman, nilinaw ni Bersamin na may pasok pa rin ang mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa pagbibigay ng basic at health services, tumutugon sa mga sakuna at kalamidad, at gumaganap ng iba pang makabuluhang serbisyo.

Ipinaliwanag din ni Bersamin na nasa pagpapasya na ng mga pribadong kumpanya ang pagsuspinde sa kanilang trabaho, gayundin sa mga pribadong paaralan.

Matatandaang tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sapat ang bilang ng mga bibiyaheng pampublikong sasakyan sa Metro Manila at iba pang lugar kasabay ng ipatutupad na tigil-pasada ng ilang transport group.

Ang pagsisimula ng tatlong araw na tigil-pasada ay isasabay sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa Lunes.