Muli na namang nagbuga ng abo ang Bulkang Mayon sa nakaraang 24 oras.

Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumagal ng 28 segundo ang pagpapakawala ng abo ng bulkan.

Kabilang lamang ito sa naitalang volcanic activity ng Mayon nitong Biyernes ng madaling araw hanggang Sabado, Hulyo 22 ng madaling araw.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Naramdaman din ang 22 pagyanig ng bulkan, hindi pa kasama ang pagbuga nito ng lava, 175 rockfall events at apat na pyroclastic density current (PDC) events.

Umabot din sa 1,758 toneladang sulfur dioxide ang pinakawalan ng bulkan nitong Hulyo 21.

Nagkaroon din ng pagragasa ng lava na umabot sa 2.8 kilometro sa bahagi ng Mi-isi Gully.

Nakapagtala rin ang Phivolcs ng pagdaloy ng lava na umabot sa 2.7 kilometro sa bahagi naman ng Bonga Gully.

Napansin din ang puting usok mula sa crater at tinangay ng hangin pa-kanluran-hilagang kanluran ng bulkan.

Idinagdag pa ng ahensya, posible pa ring sumabog ang bulkan anumang oras.

Nasa Level 3 pa rin ang alert status ng bulkan, ayon pa sa Phivolcs.