Mahigit 60% ng populasyon o halos 5 bilyong mga tao sa buong mundo ang aktibo sa social media, ayon sa isang pag-aaral.
Sa pagtataya ng digital advisory firm Kepios sa pinakabagong quarterly report nito na inulat ng Agence France-Presse, ang naturang bilang ng mga aktibo sa social media ngayon ay nagpapakitang tumaas ng 3.7% ang social media users kung ikukumpara sa nakaraang taon.
Nasa 5.19 bilyong tao o 64.5% ng world population naman umano ang gumagamit ng internet.
Samantala, ayon pa sa Kepios, nakitaan ng malaking pagkakaiba ang bawat rehiyon pagdating sa paggamit ng social media.
Halimbawa, isa sa 11 tao sa silangan at gitnang bahagi ng Africa ang gumagamit ng social media.
Pagdating naman daw sa “world's most populous nation” na India, isa sa tatlong tao ang gumagamit ng social media.
Tumaas din sa 2 oras at 26 minuto kada araw ang ginugugol ng mga tao sa social media, ayon sa Kepios.
Ilan naman umano sa mga pinakasikat na social media platforms sa kasalukuyan ay ang WhatsApp, Instagram at Facebook ng Meta, maging ang WeChat, TikTok at local version nitong Douyin ng China.
Kasama rin sa top social media platforms ang Twitter, Messenger at Telegram.