Para kay Ogie Diaz, overacting o OA ang reaksiyon ng ilang mga netizen sa nag-trend na video ni Kapamilya superstar Kathryn Bernardo matapos mamataang may hawak na vape.

Ang vape ay nauusong "electronic cigarette" sa kasalukuyan.

Nakunan kasi umano ng video ang Kapamilya star sa baba ng isang gusali sa Filinvest City sa Alabang, Muntinlupa City. Nagkataong doon nagtatrabaho ang uploader ng video sa TikTok.

Napansin daw nito ang hawak na tila flash drive ni Kat, subalit nang tingnan daw ay vape pala.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Marami sa mga netizen ang tila "nadismaya" sa aktres na jowa ni Daniel Padilla. Siyempre, hindi ganito ang imahe ni Kath sa publiko.

Ngunit pagtutuwid naman ni Ogie, masyado lang itong pinalaki ng mga "OA" na netizen.

Kaya may hawak na vape si Kathryn ay dahil nagsho-shooting ito para sa pelikulang "A Very Good Girl." Bahagi ito ng kaniyang karakter.

"Ilang taon na si Kathryn para idikta natin sa kaniya kung ano yung gusto natin na gawin niya," anang Ogie.

Parang hindi raw sanay ang mga tao na ang mga kagayang big stars ni Kathryn na may sweet image ay makikitang naninigarilyo o umiinom ng alak.

Inihalimbawa pa ni Ogie si Popstar Royalty Sarah Geronimo na kapag narinig daw na napamura ay nasho-shookt ang mga tao.

Sa radio program naman na "Cristy Ferminute," nilinaw ni Cristy na ang naispatan ng uploader ay dulot lamang ng karakter ni Kathryn sa kaniyang pelikula.

Nasubaybayan daw ng showbiz columnist ang paglaki ni Kathryn, at masasabi niyang hindi nagyoyosi ang aktres.

"Sana nahihiwalay po natin ’yong trabaho sa pagkatao. Role po n’ya ’yon na nagbi-vape s’ya," tanggol ni Cristy.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Kathryn tungkol dito.