Napanatiili ng bagyong Egay ang lakas nito habang nasa karagatan sa silangang bahagi ng Southeastern Luzon nitong Sabado ng umaga, Hulyo 22, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng umaga, namataan ang sentro ng bagyo 815 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 55 kilometer per hour at pagbugsong 70 kilometer per hour.
Mabagal itong kumikilos pa-west northwestward sa bilis na 10 kilometer per hour.
Nagpapaulan na umano ang buntot o trough ng bagyong Egay sa CARAGA Region, maging sa ilang mga kalapit lugar sa Visayas at Davao Region.
Sa ngayon, wala pang naitatalang Tropical Cyclone Wind Signal ang PAGASA sa alinmang lugar dulot ng nasabing bagyo.
Inaasahan naman umanong lalakas ang Tropical Depression Egay at magiging Tropical Storm ngayong Sabado.
Maaari naman itong mas lumakas pa at umabot sa super typhoon category sa Martes, Hulyo 25, o Miyerkules, Hulyo 26, habang nasa Philippine Sea sa silangan ng Extreme Northern Luzon.