Lumakas pa ang bagyong Egay at isa na itong ganap na Tropical Storm, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado ng umaga, Hulyo 22.
Sa ulat ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, naging Tropical Storm umano ang bagyong Egay dakong 8:00 ng umaga.
Huli umanong namataan ang sentro ng bagyo 750 kilometro ang layo sa silangan ng Virac, Catanduanes, taglay ang maximum sustained winds na 65 kilometer per hour at pagbugsong 80 kilometer per hour.
Mabagal itong kumikilos patungong kanluran.
Sa ngayon, wala pa ring naitatalang Tropical Cyclone Wind Signal ang PAGASA sa alinmang lugar dulot ng nasabing bagyo.
Inaasahan naman umanong lalakas ang Tropical Storm Egay at magiging Severe Tropical Storm sa susunod na 24 oras.
Maaari naman itong mas lumakas pa at maging Super Typhoon sa Martes, Hulyo 25, o Miyerkules, Hulyo 26, habang nasa Philippine Sea sa silangan ng Extreme Northern Luzon.