Bahagyang lumakas pa ang Tropical Storm Egay habang kumikilos ito pakanluran sa Philippine Sea nitong Sabado ng hapon, Hulyo 22, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa ulat ng PAGASA kaninang 5:00 ng hapon, namataan ang sentro ng bagyo 685 kilometro ang layo sa silangan ng Virac, Catanduanes, taglay ang maximum sustained winds na 75 kilometer per hour at pagbugsong 90 kilometer per hour.
Kumikilos ito sa direksyong kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Sa ngayon, wala pa ring naitatalang Tropical Cyclone Wind Signal ang PAGASA sa alinmang lugar dulot ng nasabing bagyo.
Gayunpaman, inaasahan umanong magdudulot ang trough ng bagyo ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Bocol Region at Eastern Visayas.
Ayon pa sa PAGASA, maaari namang magdala ang southwest monsoon o habagat ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Occidental Mindoro, Palawan, Western Visayas at Zamboanga Peninsula.
Inaasahan umanong lalakas pa ang Tropical Storm Egay at magiging severe tropical storm sa susunod na 12 oras.
Maaari naman itong mas lumakas at maging super typhoon sa Martes, Hulyo 25, o Miyerkules, Hulyo 26, habang nasa Philippine Sea sa silangan ng Extreme Northern Luzon.