Bagamat ilang araw pa bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., magbalik-tanaw muna tayo kung sinu-sino nga ba ang umawit ng Pambansang Awit ng Pilipinas na “Lupang Hinirang” sa mga naging SONA ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang usap-usapan kamakailan kung sino ang aawit ng Lupang Hinirang sa SONA ni Marcos sa darating na Lunes, Hulyo 24.

Si dating Pangulong Duterte ang ika-16 na pangulo ng Pilipinas. Siya ang kauna-unahang pangulo ng bansa na nagmula sa Mindanao at ang pinakamatandang nanungkulan sa edad na 71.

Classical Filipino singer Lara Maigue, kakanta ng National Anthem sa SONA ni PBBM

Nagsilbi siya mula 2016 hanggang 2022.

BAYANG BARRIOS (July 25, 2016)

BAYANG BARRIOS (screenshot mula sa RTVM/YouTube)

Si Bayang Barrios ay tubong Agusan del Sur at isang katutubong Manobo. Kilala siya bilang solo performer at sa mga awiting nagtataguyod ng kapakanan ng mga katutubo at mga awiting nagpapahalaga sa kalikasan.

Isa rin siya sa Tres Maria kasama sina Lolita Carbon at Cooky Chua. Nagkaroon din siya ng kolaborasyon sa iba pang mga personalidad tulad ni Joey Ayala.

Bukod sa mga nabanggit, si Barrios ang boses sa likod ng main soundtrack theme ng “Encantadia” ng GMA Network.

MONALIZA ADAM MANGELEN (July 24, 2017)

MONALIZA MANGELEN (screenshot mula sa RTVM/YouTube)

Si Monaliza Mangelen ay isang Maguindanaoan tribe member na mula sa Isulan, Sultan Kudarat.

TAGUM CITY CHAMBER CHORALE (July 23, 2018)

TAGUM CITY CHAMBER CHORALE (screenshot mula sa RTVM/YouTube)

Ang Tagum City Chamber Chorale ay isang award-winning group mula sa Tagum City na nakakuha ng gold prize sa Sing N’ Pray International Chorale Competition sa Kobe, Japan noong 2018.

Nabuo ang grupo noong 2013 sa ilalim ng pamumuno ni dating Tagum City Mayor Allan Rellon.

ARMAN FERRER (July 22, 2019)

ARMAN FERRER (screenshot mula sa RTVM/YouTube)

Si Arman Ferrer ay isang singer at theater actor. Kumuha siya ng kursong music sa University of the Philippines College of Music. Ang kaniyang “repertoire” ay binubuo ng iba’t ibang himig hindi lamang Broadway o classical pieces kundi pati na rin ang OPM, opera, at nationalistic songs.

RECORDED VIDEO (July 27, 2020)

(screenshot mula sa RTVM/YouTube)

Dahil sa banta ng coronavirus disease noong 2020, walang umawit ng Pambansang Awit nang live kundi isang recorded video tampok ang mga piling kabataan mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

MORISSETTE AMON (July 26, 2021)

MORISSETTE AMON (screenshot mula sa RTVM/YouTube)

Ang Kapamilya singer na si Morissette Amon ang umawit sa huling SONA ni Duterte noong 2021. Kinanta niya ang Lupang Hinirang na saliw sa pre-recorded music mula sa Philippine Philhamornic Orchestra (PPO).

Samantala, sa ikalawang SONA ni Marcos, kinumpirma ni House Secretary General Reginald Veslasco na ang classical Filipino singer na si Lara Maigue ang kakanta ng Pambansang Awit.

Maki-Balita: Classical Filipino singer Lara Maigue, kakanta ng National Anthem sa SONA ni PBBM