Kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco nitong Biyernes, Hulyo 21, na ang classical Filipino singer na si Lara Maigue ang kakanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 24.
Bago ang naturang kumpirmasyon, tinanong ng mga mamamahayag si Velasco nitong Huwebes, Hulyo 20, kung sino ang aawit ng “Lupang Hinirang” sa SONA ni Marcos, ngunit sinabi niyang sikreto muna ito dahil isa raw itong malaking sorpresa.
MAKI-BALITA: ‘Big surprise?’ Kakanta ng National Anthem sa SONA, ‘di pa pinangalanan ni Velasco
Gayunpaman, inilabas ng entertainment journalists ang pangalan ni Maigue nitong Biyernes ng umaga at kinilala ang Filipino singer bilang “secret performer” na siyang aawit ng Pambansang Awit sa SONA.
Sa panayam din ng Teleradyo Serbisyo na inulat ng ABS-CBN, inihayag ni Velasco kung paano nila napili si Maigue.
"Ang balita namin there will be a singer ng Pambansang Awit natin. Ang pangalan niya ay Lara Maigue. Tiningnan namin 'yun sa YouTube. Very famous pala siya," saad ni Velasco.
Nakilala si Maigue bilang isang Filipino soprano-songwriter. Nagwagi rin umano siya ng mga karangalan tulad ng “2017 Aliw Awards for Best Classical Performer” at “2018 Aliw Awards for Best Female Crossover Performer.”
Kamakailan lamang ay nag-viral ang version ni Maigue ng classic Mozart piece "Queen of the Night” na ibinahagi niya sa kaniyang Instagram post. Umabot ito ng mahigit dalawang milyong likes.
View this post on Instagram