Bahagyang kumalma ang Mayon Volcano habang nakapagtala pa ng 32 beses na pagyanig ang Kanlaon Volcano sa nakaraang 24 oras.

Sa pagmamanman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), 83 na pagyanig na lamang ang naramdaman sa Mayon Volcano, bukod pa ang 151 rockfall events at tatlong pyroclastic density current (PDC) events.

Mas mababa ang nasabing datos kumpara sa naitala nitong Huwebes na 90 pagyanig, 169 rockfall events, tatlong pyroclastic density currents (PDC) at tatlong beses na pagbuga ng abo.

National

Sec. Angara, nalungkot sa desisyon ng Kongreso na kaltasan ng ₱12B ang DepEd

Gumapang naman ng hanggang 2.8 kilometro ang lava ng bulkan sa Mi-isi Gully at 2.5 kilometro naman ang naitala sa Bonga Gully.

Umabot sa 1,581 tonelada ng sulfur dioxide ang pinakawalan ng bulkan nitong Hulyo 20.

Napansin din ng Phivolcs ang puting usok mula sa bunganga ng bulkan at umabot ito sa 1,000 metrong taas bago tangayin ng hangin pa-timog-kanluran at kanluran-timog-kanluran.

Isinasailalim pa rin sa Level 3 ang alert status ng bulkan dahil na rin sa nakaambang pagsabog nito anumang oras.

Nakapagtala naman ang Phivolcs ng 32 na pagyanig ng Bulkang Kanlaon sa nakalipas na pagmamanman nito.

Nitong Hulyo 18, nakapagbuga pa ito ng 786 tonelada ng sulfur dioxide.

Nasa Level 1 pa rin ang alert status ng Kanlaon Volcano.