Isa nang ganap na bagyo at pinangalanang “Egay” ang low pressure area (LPA) na namataan sa silangang bahagi ng Southeastern Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Hulyo 21.
Sa tala ng PAGASA nitong 11:00 ng umaga, namataan ang sentro ng Tropical Depression Egay 900 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Luzon na may lakas ng hanging aabot sa 55 kilometer per hour at pagbugsong 70 kilometer per hour.
Mabagal umano itong kumikilos pa-north northwestward.
“EGAY is forecast to intensify in the next 12 hours into a Tropical Storm,” anang PAGASA.
“Throughout its duration in the PAR region, it may continue to steadily intensify and reach Super Typhoon category by late Monday or early Tuesday as it moves over the Philippine Sea east of Luzon,” saad pa nito.
Sa ngayon, wala pang naitatalang Tropical Cyclone Wind Signal ang PAGASA sa alinmang lugar dulot ng nasabing bagyo.