Pinatutsadahan ni Senador Ramon "Bong" Revilla, Jr. ang International Criminal Court (ICC) matapos maiulat na maaaring maglabas umano ito ng warrant of arrest laban sa ilang indibidwal na sangkot umano sa mga pagpatay na nauugnay sa "war on drugs."

Saad ni Revilla, hindi raw sila papayag na manghimasok ang ICC sa Pilipinas. Kung mayroong pananagutan  dapat daw ay managot sa pamamagitan ng batas ng bansa at hindi sa mga dayuhan.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

"Hindi tayo papayag sa malinaw na panghimasok na susubukang gawin ng ICC sa ating bansa. We do not need to remind them that we are a free, independent, and sovereign nation governed by our laws," aniya nitong Huwebes, Hulyo 20.

"Kung mayroong pananagutan, sa batas ng ating bansa dapat managot, hindi sa mga dayuhan," pagbibigay-diin pa ng senador.

Giit pa ni Revilla, halata raw na walang batayan ang pag-uusig na ginagawa ng ICC.

"I am befuddled by the ICC's pursuit of this obvious baseless persecution while legitimate concerns and crimes against humanity are being perpetrated in other parts of the world as speak," aniya.

Maliwanag din daw na iba ang interes ng ICC dito sa bansa dahil sina Senador Ronald "Bato" Dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pinanggigilan umano ng mga ito.

"It is obvious the ICC's interest here is not justice but something else entirely. Binobomba at pinapatay ang mga sibilyan, guro, mga bata at mga musmos sa ibang panig ng mundo pero si Bato at Duterte ang pinanggigigilan nila," dagdag pa niya.

Patutsada pa ng senador na ginagawa lang umano ito ng ICC, na tinawag niyang "bullies," para sa kanilang personal na interes.

"The ICC, with its patent partiality which is so manifestly politically-motivated, has totally lost its credibility. These bullies are driven by their own selfish interests, and they cannot fool us into thinking that they can discharge justice. Ginawa na nila ito sa iba't-ibang bansa na imbes mabigyang hustisya, ay lantaran nilang binalasubas ang umiiral na batas," anang senador.

Matatandaang noong Hulyo 17, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi sila susunod sa ICC kung sakaling maglabas ito ng warrant of arrest.

"Hindi. Wala silang gagawin dito eh. Wala silang kinalaman sa atin dito. At ano gagawin nila, papasukin nila tayo? Gusto ba nilang pasukin tayo bilang isang kolonya na naman? Eh tapos na 'yun," saad ni Remulla sa mga reporter.

“Ginawa na tayong kolonya dati ng Espanya, ginawa na tayong kolonya ng Amerika, ginawa na tayong kolonya ng Japan no'ng araw. Tama na. Eh malaya tayong bansa na may sariling sistema ng batas," dagdag pa niya.

Noong Hulyo 18, ibinasura ng Appeals Chamber ng ICC ang apela ng pamahalaan ng Pilipinas na ihinto ang imbestigasyon sa “war on drugs” ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte.

Iginiit ng Appeals Chamber na taliwas umano sa paulit-ulit na argumento ng Pilipinas, ang naturang desisyon ay hindi nakabatay sa hurisdiksyon ng ICC na magsagawa ng pagsisiyasat sa Pilipinas.

“Rather, the pre-trial chamber simply recalled and re-affirmed its previous findings on jurisdiction made on its decision, authorizing the investigation under Article 15 of the Statute,” saad ni Brichambaut.

Maki-Balita: ICC, ibinasura apela ng ‘Pinas na ihinto ang imbestigasyon sa ‘drug war’ ni Duterte