Ipinasilip nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas ang kanilang mga “statement attire” sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 24.
Ayon sa ACT Teachers, isang Filipiniana terno ang susuotin ni Castro na may nakapintang imahen ng iba’t ibang uri ng mga manggagawang nakataas ang kamay na siyang sumisimbolo umano ng paglaban para sa pagtaas ng sahod.
"House Deputy Minority leader and ACT Teachers Party-list Rep. France Castro will be wearing a statement attire calling for significant salary increases for teachers, nurses, government employees and workers," saad ng ACT.
Samantala, ayon naman sa Gabriela Women's Party-list, isang Filipiniana terno naman ang susuotin ni Brosas na may nakapintang imahen ng isang buwayang nakasuot ng Barong Tagalog habang nakahiga sa mga pera at nakahawak ng baraha. Makikita naman sa ibaba ng buwaya ang salitang “Maharlika Fund” at mga taong nakataas ang mga kamay bilang simbolo umano ng pagtutol sa isinabatas na Maharlika Investment Fund (MIF) Act of 2023.
“Suot ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas ang panawagan ng malawak na hanay ng kababaihan para sa nakabubuhay na sahod at pagpapabasura sa tinaguriang Maharlika Scam,” saad ng Gabriela.Matatandaang naging ganap nang batas ang MIF Act of 2023 o ang Republic Act 11954 matapos pirmahan ni Pangulong Marcos ang naturang panukala noong Martes, Hulyo 18.
MAKI-BALITA: PBBM, nilagdaan na ang Maharlika Investment Fund Act of 2023
Samantala, ang nasabing mga “statement attire” ng dalawang mambabatas ay dinisenyuhan umano ni Michael Joselo, isang pintor mula sa Altermidya at kasalukuyang Arts Teacher sa Maynila.