Kinilala ng Guinness World Records (GWR) ang mag-asawa sa United States na nakarating umano sa 116 mga bansa sa pamamagitan lamang ng kanilang kotse.

Sa ulat ng GWR, nakamit ng mag-asawang sina James Rogers at Paige Parker mula sa New York, US, ang record title na “most countries visited in a continuous journey by car” matapos ang naturang pagbisita nila sa 116 mga bansa sakay ng kotse.

“[They] are quite the roadtrippers,” saad ng GWR. “In fact, they love traveling so much, they went on the journey of a lifetime.”

Sa pamamagitan ng kanilang “hard top convertible one-of-a-kind Mercedes Benz,” nagsimula umano ang paglalakbay nina James at Paige noong Enero 1, 1999 sa Iceland.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Dahil sa kanilang kagustuhang malaman kung ano ang ginagawa ng mga tao sa iba’t ibang mga bansa at makita kung paano nila ito ginagawa, nagtuloy-tuloy ang paglalakbay ng mag-asawa hanggang Enero 5, 2002, kung saan narating daw nila ang anim na kontinente.

“Every day was unique and an adventure,” kuwento ni James sa GWR.

Naranasan umano nilang dumaan sa iba’t ibang border crossing, mga nasirang kalsada, at maging sa mga lugar ng digmaan.

Nakilala raw nila ang iba’t ibang uri ng mga tao, dumaan sa mga disyerto at gubat, humarap sa mga epidemya, at tumikim ng iba’t ibang masasarap at tila nakakasukang mga pagkain.

Ayon kay James, hindi na niya alam kung magkano ang nagastos nila ni Paige sa naturang paglalakbay. Gayunpaman, hindi raw nila malilimutan ang dami ng magagandang alaalang naibigay nito sa kanilang mga buhay.

Samantala, naging inspirasyon naman daw ni Paige ang kanilang naging paglalakbay para sulatin ang kaniyang memoir na pinamagatang “Don’t Call Me Mrs. Rogers.”

“[My memoir is about] the epic circumnavigation, as well as my own personal evolution, while shining light on the courageous, resourceful women I met from Azerbaijan to Zimbabwe,” ani Paige sa kaniyang blog.

Sa ngayon ay lumipat na umano ang mag-asawa para manirahan sa Singapore kasama ang kanilang dalawang anak na nag-aaral ng wikang Mandarin. 

Patuloy naman umano ang paglalakbay ni James para masilayan ang iba pang dako ng mundo, at wala na rin daw siyang balak na huminto.