Hindi pa pinangalanan ni House Secretary General Reginald Velasco kung sino ang aawit ng National Anthem sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 24, dahil isa umano itong malaking sorpresa.
Sa isang panayam sa mga mamamahayag sa Kamara nitong Miyerkules, Hulyo 19, sinabi ni Velasco na isang “big surprise” kung sino ang aawit sa National Anthem ng Pilipinas na “Lupang Hinirang” sa SONA ni Marcos.
Bagama’t tumanggi rin si Velasco na ihayag ang kasarian ng aawit, nagbigay naman siya ng “tip.”
“Ang tip ko, isang tao lang ‘yung kakanta...Of course kilala,” aniya.
Matatandaang ang choir mula sa Ilocos region na “Samiweng” ang siyang umawit ng National Anthem sa SONA ni Marcos noong nakaraang taon.
Kamakailan lamang ay inihayag naman ni Velasco na ang Radio Television Malacañang (RTVM) ang siyang magsisilbing direktor sa nasabing SONA.
MAKI-BALITA: Paul Soriano, papalitan umano bilang direktor ng SONA – Velasco
Samantala, tatlong mga dating pangulo ng Pilipinas na umano ang nagkumpirmang dadalo sa malaking kaganapan.
MAKI-BALITA: 3 dating pangulo ng ‘Pinas, dadalo sa SONA ni PBBM – Velasco