Ano kayang lasa ng alak na mala-Bicol express sa anghang?
Iyan ang curious na tanong ng mga netizen sa ibinahaging larawan ng nagngangalang "James" kung saan makikita ang kaniyang kakaibang mixture ng alak at juice mula sa Daet, Camarines Norte.
"Pangit kainuman ng mga taga-Bicol," mababasang caption sa kaniyang Facebook post.
Makikitang may halong siling labuyo ang kaniyang tinimplahang gin na may halong juice, na kadalasang ginagawa ng mga umiinom upang magkalasa ang alak.
Batay sa Facebook post ni James ay bentang-benta ito sa netizens dahil pumalo na sa 120k reactions, 23k shares, at 5.3 comments ito.
Marami naman sa mga netizen ang nagpatunay na masarap daw ito.
"Masarap 'yan mga boss promise," sabi ng isang commenter.
Saad pa ng isa, "A must try! May kakaibang kick!"
"Lakas tama niyan, gumuguhit talaga hahaha," anang isa pa.
Dahil sa post na ito ay tila marami na rin ang bet sumubok at tikman ang nabanggit na mixture.
Sa Pilipinas, ang mga kilalang alak o inuming nakalalasing na sadyang gawang lokal ay tuba, basi, at lambanog.
Bukod sa beer at rum, hilig din ng ilang mga alcohol drinkers ang gin na nilalagyan ng juice na may orange, apple, pineapple, calamansi, o pomelo flavor. Nagkakatalo na lamang sa pulutan.
Noong Abril 2023, usap-usapan ang ‘Ube Cream Liqueur’ ng Pilipinas na inilunsad sa Michelin Guide-Abaca Restaurant sa San Francisco, United States sa pamamagitan ng "purple party."
Ipinakilala rito ang nabanggit na alak na gawa sa ube. Ayon sa ulat, ito ay isang innovation blend ng tubo, vodka, full cream, at ube na mula pa sa probinsya ng Negros.
Nanalo ang alak na ito ng "Product Innovation Award" sa 2021 SIP Awards gayundin bilang "Best Cream Liqueur" sa 2022 World Liqueur Awards.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!