Inihayag ni House Secretary General Reginald Velasco na tatlong mga dating pangulo ng Pilipinas ang dadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 24.
Ayon kay Velasco, nagkumpirma na ng kanilang pagdalo sa SONA ngayong taon sina dating pangulong Rodrigo Duterte, Gloria Macapagal-Arroyo, at Joseph "Erap" Estrada.
Kinumpirma ni Velasco sa mga mamamahayag sa Kamara ang pagdalo ni Duterte, na siyang hinalinhan ni Marcos sa puwesto ng pagkapangulo, nitong Miyerkules, Hulyo 19.
Nauna nang ipinahayag ni Velasco noong Lunes, Hulyo 17, ang pagdalo nina Arroyo at Estrada sa SONA.
Tinatrato ang mga dating pangulo ng bansa bilang pinakamahalagang mga tao o very important persons (VIP) tuwing SONA bawat taon.
Gaganapin umano ang SONA ni Marcos ngayong taon sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.
Kamakailan lamang, sinabi ng Pangulo na gagawin niyang simple ang kaniyang ikalawang SONA sa Lunes.
MAKI-BALITA: SONA ni Marcos, gagawing simple
Matatandaang inihayag naman ni Velasco noon Lunes na ang Radio Television Malacañang (RTVM) ang siyang magsisilbing direktor sa naturang SONA.
MAKI-BALITA: Paul Soriano, papalitan umano bilang direktor ng SONA – Velasco