Big winner sa 38th PMPC Star Awards for Movies ang "On the Job 2: The Missing 8" ni Direk Erik Matti, na ginanap noong Hulyo 16, 2023 ng gabi sa Manila Hotel.
"Best Film" ang pelikula at si Direk Matti ang hinirang na "Movie Director of the Year."
Ang buong cast naman ay hinirang na "Movie Ensemble Acting of the Year."
Nakuha rin ng pelikula ang "Movie Screenwriter of the Year" para kay Michiko Yamamoto at "Movie Sound Engineer of the Year" para kay Corinne De San Jose.
Humakot din ng parangal ang kontrobersyal na pelikulang "Katips" na itinanghal na "Indie Movie of the Year," na idinerehe ni Palanca awardee Atty. Vince Tañada, na siyang hinirang naman bilang "Indie Movie Director of the Year" at "Movie Actor of the Year." Si Johnrey RIvas naman ang "Movie Supporting Actor of the Year." Ang buong cast ay ginawaran ng "Indie Movie Ensemble Acting of the Year."
Bukod sa mga ito, sa kanila rin ang parangal na "Indie Movie Musical Scorer of the Year" na si Pipo Cifra.
Kontrobersyal ang Katips dahil itinapat ito sa pelikulang "Maid in Malacañang" ni Direk Darryl Yap noong 2022.
Todo-todo pasalamat naman sina Tañada at Rivas sa kani-kanilang social media platforms.
"After Famas, I got the Star. Vindicated, Validated, Victorious! #BestIndieFilm #BestDirector #BestActor," mababasang caption ng aktor-direktor sa kaniyang profile picture, na agad niyang pinalitan. Kuha ito mula sa naganap na award's night.
Ibinida rin ni Tañada ang mga nahakot na parangal ng Katips sa isa pang Facebook post.
Masayang-masaya rin si Rivas sa parangal na kaniyang nakuha.
"Salamat Lord God, PSF, Direk Vince, Family, Self, PMPC at sa lahat ng tumulong at naging sandalan ko sa pagtupad ng mga pangarap ko."
"Balang araw katulad ng bituin na hawak ko ngayon. Darating din ang araw na magniningning ka rin gaya ng simbolo ng tropeyo na ito."
"Dadating din ang oras mo. Sa tamang panahon at pagkakataon. Tiwala lang. Darating iyon. Maniwala ka," aniya sa kaniyang Facebook post.