Nagkomento sa isang ulat ang social media personality, motivational speaker, at negosyanteng si Rendon Labador hinggil sa itinutulak daw siyang sumali sa "Mister Supranational Philippines" pageant.
"Looking for Mister Supranational Material na full blooded pinoy, ayan si Rendon pasok na ba sa panlasa n'yo?" tanong umano sa Facebook page na "The Alpha Pageants."
Simula raw kasi nang itatag ang nasabing male pageant noong 2016, wala pang Pinoy representative na nakasungkit ng korona dito, kahit man lamang sa runners-up.
Ang nagwagi at itinanghal na Mister Supranational 2023 na ginanap sa Poland ay si Iván Álvarez Guedes ng Spain. Samantala, nakuha naman hanggang top 20 ang kandidato ng Pilipinas na si Johannes Rissler.
Tila nakarating naman kay Rendon ang ulat at nagbigay ng kaniyang komento.
"Kung handa na ang Pilipinas manalo, sabihan n'yo lang ako! #StayMotivated," aniya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Rendon Labador I know pwedeng-pwede ka manalo motivational speaker ka kasi, so alam ko sa Q&A panalong-panalo ka idol."
"Wow lakas ng hangin hahahaha."
"Go Rendon para ma-motivate mo buong mundo, sa iyong motivational rice!"
"Sa sawsawan baka puwede ooopppssss..."
"Why not? Guwapo ka naman eh at may katawan, mukhang keri mo naman din sa sagutan."
Samantala, hindi pa malinaw kung talaga bang itutuloy ni Rendon ang kaniyang nasabing pagsali sa nabanggit na male pageant.