Sinaluduhan ng mga netizen ang isang rider sa bandang North Caloocan City nang paangkasin niya ang isang batang lalaking naispatan niyang naglalakad mag-isa pauwi sa kanilang bahay.
Kuwento ng rider/uploader na si "Bernard" sa kaniyang Facebook post, madaling-araw nang makita niya ang batang naglalakad sa kalsada. Wala raw katao-tao sa lugar na nilalakaran nito at madilim pa.
Nakiusap daw ang bata na kung puwedeng maki-angkas sa kaniya. Hindi nagdalawang-isip si Bernard na hintuan ito at pasakayin.
Habang umaandar ang motorsiklo ay inusisa ni Bernard ang bata kung bakit dis-oras na nang gabi ay naglalakad pa ito. Napag-alamang nagpunta ito sa isang lugar upang mamalimos. Ginawa raw ito ng bata upang matulungan ang kaniyang mga magulang. Siyam raw silang magkakapatid.
"Nakakatuwa lang na nakakalungkot. Madaling-araw na s'ya natatapos para lang makalikom ng pantulong sa magulang n'ya,
100 lang nalikom n'ya simula 4pm hanggang 1am," kuwento ng rider.
"Nag-aaral pa raw s'ya pati mga kapatid n'ya, hindi namn sila napapabayaan ng mga magulang sa pag-aaral, kaya lang siguro kapos talaga kaya gumagawa s'ya ng paraan para makatulong..."
"Napakabait na bata at magalang," dagdag pa ni Bernard.
May pakiusap naman si Bernard sa iba pang riders na kagaya niya.
"Kaya sa mga kapwa ko rider, kung may makakita po sa kaniya, pakisabay na lang po pauwi ng ph4 Bagong Silang.. abutan o ilibre n'yo na rin kung meron."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Bernard, sinabi nitong naihatid pa niya pauwi ang bata sa mismong tinutuluyan nito.
Sa comment section naman ng kaniyang viral Facebook post, maraming nagnanais na magpaabot ng tulong para sa nabanggit na bata.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!