Nakapagtala ng 267 pagyanig ang Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs nitong Martes, Hulyo 18, nagkaroon din umano ng tatlong Pyroclastic Density Current at 150 rockfall events ang bulkan.
Namataan din ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully, 600 metro sa Basud Gully at pagguho ng lava sa Basud Gully hanggang 4 kilometro mula sa crater ng bulkan.
Samantala, naiulat din ngayong araw ang pagkakaroon ng katamtamang pagsingaw na napadpad sa gawing hilagang-silangan at silangan-hilagang-silangan.
Nasa 2,212 tonelada ng sulfur dioxide flux naman kada araw ang ibinuga ng Bulkang Mayon mula nitong Lunes, Hunyo 17, at nananatili pa rin ang bahagyang pamamaga nito.
Naobserbahan umano ang naturang pag-aalburoto ng bulkan dakong 5:00 ng madaling araw nitong Lunes, hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Martes.
Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Kaya naman, mariing ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Nananatili pa rin sa Alert Level 3 (increased tendency towards a hazardous eruption) ang Bulkang Mayon.