Iginiit ni Senador Risa Hontiveros na sa halip na maglunsad ng bagong “leadership brand," dapat umanong unahin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang “totoong pagbabago” para sa bansa.
“Talagang nauna pa lumabas yung logo ng Bagong Pilipinas kaysa sa totoong pagbabago,” pahayag ni Hontiveros sa isinagawang “Kapihan sa Senado” forum nitong Lunes, Hulyo 17.
Matatandaang inihayag ng Malacañang noong Linggo, Hulyo 16, ang paglulunsad ng “Bagong Pilipinas” campaign bilang bago umanong “brand” ng governance at leadership ng administrasyon ni Marcos.
“Bagong Pilipinas is characterized by a principled, accountable, and dependable government reinforced by unified institutions of society, whose common objective is to realize the goals and aspirations of every Filipino,” nakasaad sa Memorandum Circular (MC) No. 24.
Kasabay nito, inilabas din ng administrasyon ang isang logo kung saan makikita ang mga kulay pula, asul, puti, at dilaw na makikita rin sa watawat ng Pilipinas.
MAKI-BALITA: Malacañang, inilunsad ‘Bagong Pilipinas’ campaign
“Sana naman huwag puro branding at pagmamalinis ang atupagin ng administrasyon,” ani Hontiveros.
“Before the President characterizes his administration as one that is ‘principled, accountable, and dependable,’ he should first ensure that we have a genuinely honest and effective government,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Hontiveros na sa kabila ng panawagan ng administrasyon para sa “unity” at paglulunsad ng “Bagong Pilipinas” campaign, hindi pa rin umano gumagaan ang buhay ng mga Pilipino.
“Ang ‘unity,’ para sa karaniwang mamamayang Pilipino, ay hindi nakababa ng presyo ng bilihin. Hindi nakapagparami ng trabaho. Hindi naahon mula sa resesyon at pandemya ang pamilyang Pilipino,” giit ng senadora.
“Unity is nothing but a hollow facade. Ito lang ang napatunayan ni Presidente sa unang taon nila sa Palasyo.
“Napakabango ng salitang unity noong eleksyon, para bang ipinasasantabi sa mga Pilipino ang lalim at lawak ng mga problemang kailangang tugunan para lang masabing magiging maayos ang lahat basta’t may pagkakaisa. Maliwanag na ginamit lang ito para ipagkaisa ang mga makapangyarihan at manalo,” saad pa niya.
Binanggit din ng senadora na sa darating na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, inaasahan daw niya ang isang tapat at detalyadong paglalathala ng sitwasyon ng bansa.
“‘Unity’ man o ‘Bagong Pilipinas,’ no amount of branding can substitute for systems and institutions that truly level the playing field; no amount of branding can guarantee the end of economic inequality; no amount of branding can ensure that the wealth and progress of our country is felt by all, not only by a few,” ani Honteveros.
Inaasahang maganap ang ikalawang SONA ni Marcos sa darating na Lunes, Hulyo 24, 2023.