Pormal nang sinimulan nitong Linggo ang pansamantalang pagsasara ng ruta ng Philippine National Railways (PNR) mula Biñan, Laguna hanggang Alabang sa Muntinlupa City, upang bigyang-daan ang konstruksyon ng North South Commuter Railway (NSCR) project.

Ayon sa PNR, ang huling biyahe ng tren sa nasabing ruta ay umalis ng alas-5:00 ng madaling araw mula sa Biñan at nakarating naman ng Alabang station bago mag-alas-6:00 ng umaga.

Samantala, Sabado naman ng gabi nang bumiyahe ang last trip ng PNR mula sa Alabang Station, patungong Biñan.

Matatandaang noong Hulyo 2, pansamantala na ring isinara ng PNR ang ruta nito mula Alabang hanggang Calamba, Laguna para sa NSCR project, na inaasahang tatagal ng mula lima hanggang anim na taon ang konstruksyon.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Una naman nang humingi ng paumanhin ang PNR sa mga apektadong pasahero at ipinaliwanag na ang proyekto ay bahagi ng modernisasyon ng train system ng bansa.

Sa pagtaya ng PNR, aabot sa hanggang 2,000 pasahero ang maaapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng Alabang-Biñan route.

Nagbukas naman na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga karagdagang ruta para sa mga operators ng public utility vehicles (PUVs) upang matulungan sa kanilang biyahe ang mga apektadong PNR commuters.

Ang NSCR ay ang modernong 147-kilometrong rail system na may inaasahang 35 istasyon, at 51 na train sets para maglulan ng mga pasahero, bukod pa sa pitong express train sets para sa mas mabilis na byahe.