Pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) kung gagamitin ang bivalent vaccines bilang first o second booster laban sa Covid-19.

“Ang latest dito ay marami ang umaapela sa amin na kung puwede ‘yung bivalent Covid vaccine namin ay maibigay na as first or second booster. Ito ngayon ay pinag-aaralan namin,” pahayag ni Health Undersecretary Enrique Tayag, sa isang media briefing nitong Lunes.

Ayon kay Tayag, ang nasa 390,000 bivalent vaccines na idinonate sa bansa ay eksklusibo nilang inilaan bilang ikatlong Covid-19 booster shots para sa vulnerable sectors.

Gayunman, hindi aniya nila mabalewala ang mga panawagan mula sa mga taong nasa evacuation centers, kung saan inaasahan na ang posibleng hawahan ng mga respiratory diseases.

Metro

₱45 per kilong bigas, mabibili na sa NCR simula Nobyembre 11

Samantala, kinumpirma rin ni Tayag na sisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Albay ang Covid-19 vaccination sa mga evacuation centers para sa mga taong apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon, gamit ang bivalent jabs.

Aniya, prayoridad pa rin nilang mabigyan ang mga health workers, kabilang ang mga health volunteers sa mga evacuation centers, gayundin ang mga senior citizens doon.

Tiniyak naman ni Tayag na hanggang nitong Lunes ay wala pa silang naitatalang aktibong kaso ng Covid-19 sa mga evacuation centers sa lalawigan.

Matatandaang noong nakaraang buwan ay sinimulan na ng pamahalaan ang pagbibigay ng Covid-19 bivalent vaccines sa bansa, at prayoridad nilang mabigyan nito ang mga health workers, na kabilang sa A1 category, gayundin ang mga senior citizen, na kabilang naman sa A2 category.