Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Hulyo 17, na malaki ang posibilidad na maging bagyo ang bagong low pressure area (LPA) na huling namataan sa silangang bahagi ng bansa.

Sa ulat ni PAGASA weather specialist Obet Badrina kaninang 5 ng umaga, malaki ang tiyansang maging tropical depression ang LPA sa susunod na isa o dalawang araw.

Huli umano itong namataan sa layong 1,070 kilometro sa silangan ng hilagang-silangan ng Mindanao, at posibleng pumasok sa Philippines area of ​​responsibility (PAR) ngayong Lunes.

Ayon kay Badrina, wala pa namang direktang epekto ang LPA sa alinmang bahagi ng bansa, patikular na sa Visayas at Mindanao.

National

Pagbagal ng inflation, bunga ng ‘matatag na pamumuno ni PBBM’ – Romualdez

“Base rin ho sa ating mga datos, posible itong kumilos papalapit sa ating bansa kung maging bagyo man. Usual track kasi ng mga bagyo kapag July, ‘yung bahagi ng Luzon, o kung minsan ay lumilihis siya o nagre-recurve patungo sa bahagi ng Japan," aniya.

Gayunpaman, hinimok ni Badrina ang publiko na ipagpatuloy ang pagiging updated sa ulat panahon, partikular na sa binabantayang LPA.

Kapag naging bagyo ang naturang LPA at nakapasok sa PAR, papangalanan umano itong “Egay.”

Samantala, inihayag din ng PAGASA na patuloy pa ring makararanas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa dahil sa pinalakas na southwest monsoon o habagat at sa localized thunderstorms.