Patuloy na uulanin ang malaking bahagi ng bansa dahil sa pinalakas na southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Hulyo 16.
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng madaling araw, pinalakas ang habagat ng Tropical Storm Talim, na dating kilala bilang "Dodong.”
Nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Dodong nitong Sabado ng hapon, Hulyo 15.
MAKI-BALITA: Bagyong Dodong, nakalabas na ng PAR
Dahil naman sa pinakalas na habagat, magkakaroon umano ng pag-ulan sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at sa hilagang bahagi ng Palawan, habang minsang pag-ulang naman ang mararanasan sa Metro Manila, Western Visayas, La Union, Pangasinan, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, at mga natitirang bahagi ng MIMAROPA.
Maaaring makaranas ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa ang mga nasabing lugar dahil sa kalat-kalat at malawakang pag-ulan.
Magkakaroon naman ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Luzon dahil din sa habagat. Posible umano ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang sa minsang malakas na pag-ulan.
Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang pag-ulan o thunderstorms sa Mindanao at mga natitirang bahagi ng Visayas dulot ng habagat o ng localized thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, posible rin ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.