Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 93 na pasahero at 36 na tripulante ng isang pampasaherong barko matapos sumadsad sa karagatang sakop ng Barangay Nasunugan, Banton, Romblon nitong Linggo ng madaling araw.

Sa ulat ng PCG District Southern Tagalog, patungo na sana sa San Agustin Port sa Tablas, Romblon ang nasabing barko mula Lucena Port sa Lucena City, Quezon nang mangyari ang insidente.

Paliwanag ng Coast Guard, humingi sa kanila ng tulong ang isang Christian Vergara, taga-Brgy. Bagacay, Romblon, Romblon, matapos malaman sa kanyang pinsan at kaibigan na parehong pasahero ng MV Maria Helena ng Montenegro Shipping, ang insidente.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Dahil dito, kaagad na nakipag-ugnayan ang PCG sa kanilang grupo sa San Agustin, Banton, Command Outpost Corcuera, at sa mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office-Banton para magsagawa ng rescue operations.

Nasagip ang mga pasahero at tripulante sa tulong ng PCG at ng mga pampasaherong bangka.

Sa imbestigasyon ng PCG, sumabog ang gulong ng isa sa rolling cargo kaya nawalan ng balanse ang barko at nagresulta sa pagkakasadsad nito.

Nakabantay pa rin ang mga tauhan ng PCG Marine Environmental Protection Group na naka-base sa Romblon sa posibleng insidente ng oil spill sa lugar.