Napabilang ang Pinoy foods na taho, maruya, at espasol sa 50 best street food sweets sa buong mundo, ayon sa Taste Atlas, isang kilalang online food guide.

Sa Facebook post ng Taste Atlas, naging top 25 ang taho matapos itong makakuha ng 4.2 rating, top 37 ang maruya matapos makatanggap ng 4.0 rating, habang nasa 44th spot naman ang espasol matapos makatanggap ng 3.8 rating.

Inilarawan ng Taste Atlas ang taho bilang isang matamis na panghimagas ng mga Pinoy na binubuo ng sariwa at malambot na tofu na binuhusan ng arnibal syrup at sinamahan pa ng mga sago.

“Taho is usually sold by street vendors who sell this traditional delicacy in the early morning as a sweet, protein-packed breakfast,” anang Taste Atlas.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang maruya naman umano ay isang “famous Filipino banana fritters” na binubuo ng hiniwa o minasang saging na binudburan ng harina, at pagkatapos ay pinirito hanggang sa lumutong. 

“They are most commonly eaten as a light snack, sweet breakfast, or a filling afternoon dessert. These fritters are a favorite among children and can often be found at street stalls throughout the country,” saad ng naturang online food guide.

Matatandaang kamakailan lamang ay napasama rin ang maruya sa listahan ng “50 best rated deep-fried desserts in the world” kasama ng turon.

MAKI-BALITA: Turon, Maruya, kasama sa ‘50 Best Deep-Fried Desserts in the World’

Samantala, inilarawan ng Taste Atlas ang espasol bilang isang malambot na Filipino rice cake na inihahanda kasama ng kumbinasyon ng toasted glutinous rice flour at grated green coconut na dahan-dahan namang niluluto sa gata ng niyog. 

“The mixture turns into soft, pliable dough that is shaped into long cylinders or triangles before each cake is coated in rice flour,” saad ng Taste Atlas.

Naiuugnay ang espasol sa rehiyon ng Laguna, kung saan pinarangalan umano ito bilang isang local specialty na karaniwang binibili sa iba't ibang mga restaurant, tindahan, at mga pwesto sa kalye.