Isang vintage mortar bomb ang natagpuan sa isang bahagi ng inaayos na kalsada sa Intramuros, Manila, nitong Biyernes, Hulyo 14, ayon sa Manila Police District (MPD).
Base sa ulat ng pulisya, ipinaalam sa kanila ng isang construction operator na may nadiskubreng mortar bomb sa harap ng isang bangko sa Muralla corner Anda St. sa Intramuros dakong 4:00 ng hapon nitong Biyernes.
Agad naman umanong nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng MPD Intramuros Police Community Precinct (PCP), at agad na tumawag sa Philippine Coast Guard-Explosive Ordnance Disposal (PCG-EOD) matapos mapatunayan ang ulat hinggil sa nasabing vintage bomb.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na umano ng PCG-EOD ang naturang sinaunang bomba.
Matatandaang kamakailan lamang ay dalawang vintage bombs naman na ginamit pa umano noong World War II ang aksidenteng nahukay sa compound ng National Museum of the Philippines sa Maynila.
MAKI-BALITA: 2 vintage bombs, natagpuan sa compound ng National Museum